
Upgrade to High-Speed Internet for only ₱1499/month!
Enjoy up to 100 Mbps fiber broadband, perfect for browsing, streaming, and gaming.
Visit Suniway.ph to learn
Already have Rappler+?
to listen to groundbreaking journalism.
This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.
Kailangan mong makibahagi sa isang gawain bago mo ito maipanalangin nang may pananalig. Ano-ano ang maaari mong bantayan sa mga huling araw bago mag-eleksiyon?
(Basahin ang bersiyon sa Ingles.)
Hindi lang mga politiko ang may kampanya. Sa fellowship na kinabibilangan ko, meron kaming daily prayer campaign na magtatapos sa mismong araw ng eleksiyon sa Lunes, Mayo 12. Bawat araw, may listahan ng bagay na ipananalangin. Naka-post ang mga ito sa social media para maging gabay namin, at para madali ring mai-share sa mga kakilala namin online. (Inilalagay ko rito ang updates araw-araw.)
Habang isinusulat ko ito, nasa ikawalong araw na ang “12 Days of Prayer for God-honoring Election.” Makikita mo sa mga tema ng gabay na ang plano ay maipanalangin ang lahat ng aspekto at lahat ng may kinalaman sa halalan: ang mga lider, botante, magsisilbi sa araw ng eleksiyon katulad ng mga titser, ang sistema at teknolohiyang gagamitin, ang mga pulis at sundalo, at iba pa.
Kung may ganito ring kampanya ang inyong iglesia, ito ang masasabi ko: Hindi ka magtatawag na prayer warrior kung hindi ka magiging poll watcher din. Ang nagdarasal ay nagbabantay.
Ano ang ibig sabihin ng bantay-boto?
Mas malawak ang pagbabantay ng boto na iminumungkahi ko.
Hindi na ito ’yung lumang konsepto na magpapalista ka sa kampo ng kandidato para magbantay nang may bayad sa presinto sa araw ng eleksiyon.
Hindi na rin ito isang araw lang na pag-asisti sa mga kilalang botante ng kandidato mo para mahanap nila ang pangalan nila sa voters’ list, at pagkaraan ay bantayan ang bilangan ng boto at paghahatid ng mga balota, election returns, at certificates of canvass sa board of canvassers.
Sa poll watching sa panahong ito, minamatyagan ang bawat yugto ng proseso mula umpisa hanggang sa dulo, bilang ambag natin sa paniniguro na tapat, maayos, payapa, at kapani-paniwala ang halalan.
Ang ibig sabihin din ng poll watching, nagiging maingat ka sa iyong inaasal at pinipili bilang botante. Kasama riyan ’yung ano’ng ipinamamalita mo tungkol sa mga kandidato at sa eleksiyon, at kung paano ka kumukuda sa social media. Kabilang din ‘yung pagkakaroon ng lakas ng loob na palutangin ang mga problema at pangangailangan ng komunidad para mapansin ng mga kandidato, at ‘yung pagiging matino at desente sa klase ng mga kandidatong sinusuportahan mo.
Ano-ano na ang binabantayan ng poll watcher?
Ang ibig ko lang sabihin, ang pagbabantay sa boto ay dapat nagsimula noong nagparehistro ka bilang botante. (Heto ang calendar of activities na inilabas ng Comelec noong Mayo 2024 pa.)
Huli na pala, sasabihin mo. Oo nga. Pero ililista ko pa rin kung ano-ano ‘yung dapat ay nabantayan noon pa para alam natin. Ilabas ulit natin ang listahan sa susunod na election cycle:
- Kung mga mga nagpaparehistrong maging botante, pero hindi naman tagaroon sa inyong lugar
- Pagkukumpirma at pagsasara ng listahan ng mga botante. (May naisulat na ako dati tungkol sa paano puwedeng dayain ang listahan: Cheats are messing with the voters’ list.)
- Pamimigay ng election contracts, mula papel ng balota at tinta sa daliri ng botante, hanggang sa teknolohiya at software na gagamitin sa pagboto.
- Pag-imprenta ng mga balota at iba pang gamit sa botohan (Puwedeng may dayaan o pagkakamaling mangyari rito, katulad ng mga pangalan ng kandidato na biglang hindi napasama.)
- Pagpili ng mga bodega sa mga probinsiya na pag-iimbakan ng election paraphernalia hanggang araw ng halalan (Paano kung ang may-ari ng warehouse ay may kaugnayan pala sa mga lokal na kandidato, at payagan nilang likutin ang mga balota at canvassing forms bago ihatid sa mga presinto sa election day?)
- Paghahatid ng election paraphernalia sa mga rehiyon. (Hindi sila puwedeng mahuli o maantala! Paano rin kung may mga bayaran na sisirain o pagpapalit-palitin ang mga balota at election forms para mabitin o pumalpak ang eleksiyon sa ilang lugar?)
Mga huling araw bago ang halalan
Pero sa huling mga araw ng kampanya, ano pa ang natitirang maaaring bantayan?
- PAGBILI AT PAGBEBENTA NG BOTO. Iigting ito sa araw o gabi hanggang madaling araw bago ang eleksiyon. May mga lugar na lantaran pa rin ang abutan ng cash, pero meron na ring mas marunong magtago ng pamimigay, katulad ng bank at e-wallet transfers. May mga tusong operator na kalahati lang ng bayad ang ipinapauna bago bumoto ang mga tao, at saka ibibigay ang natitira pa sa ipinangakong halaga kapag nakaboto na ang mga tao.
- Madaling maramdaman na nag-aabutan ng pera o suhol —kalimitan ay may mga pagtitipon na kunwari ay caucus, briefing, training, at paghahanda para sa mga gawain sa eleksiyon.
- PANGHAHARANG AT PANANAKOT SA MGA BOTANTE NG KALABAN. Madalas itong taktika sa mga lugar kung saan mahina ang laban ng nakaupong opisyal. Sinisindak ng mga ito ang alam nilang mga tagasuporta ng kalaban, para hindi na sila bumoto. (Sa vote buying din kasi minsan, binabayaran ang botante para huwag nang lumabas para bumoto sa kalaban ng nagbayad.
- Halatang-halata kapag ganito ang galawan: Ipapalusob sa mga hawak na pulis ang opisina, headquarters, o safehouse ng kalaban, o kaya’y palilibutan ng mga checkpoint. Ginagawa ito para hindi maisagawa ng kalaban ang anumang estrahiya para sa election day. Hindi makakakilos ang mga ito para makipag-ugnayan sa mga organisador at botante nila na kailangan ng hatid-sundo papunta sa polling precincts o kailangan ng allowance para sa maghapon at magdamag na pagbabantay sa botohan at bilangan.
- PANDARAYA BAGO PA ANG ELEKSIYON. Ito ang pinakamadaling paraan para makontrol ang resulta ng halalan simula nang maging automated na ang sistema noong 2010. Kapag makina ang bumibilang at mabilis na nagpapadala online ng resulta sa mga server, hindi na alam ng mga operator ng politiko kung paano pepekein, babaguhin, o aagawin ang mga baloto, election returns, at certificates of canvass. Kung mahigpit ang hawak ng politiko sa kanyang nasasakupan, puwede niyang ipakuha ang mga balot at pa-shade-dan na sa mga tauhan niya ng botong idinikta niya. Pagdating ng halalan, ang mga balotang iyon ang ipapasok sa vote-counting machines.
- Kalimitan ay nangyayari ito sa malalayong bayan o probinsiya na nasa ilalim ng mga warlord. Hindi mangyayari ito kung walang alam o bahagi ang local treasurer (na opisyal na tagapag-ingat ng election paraphernalia), mga titser, local election board, at mga itinalagang pulis o sundalo. Maaaring kasabwat sila, pero mas malamang na tinatakot lang sila kaya sumusunod sa utos o nagbubulag-bulagan.
- MGA PEKENG BALITA. Kakalat ang mga ito para panghinaan ng loob o mawalan ng ganang pumunta sa presinto ang mga botante para bumoto. Halimbawa ng false leads at tsismis: kailangan daw ng kung ano-anong ID na mahirap hagilapin para makaboto, na isinarado o inilipat ang presinto mo, na itinigil daw ang botohan o nagsara na ang presinto, na umurong na raw sa laban o nadiskalipika si ganito at ganoong kandidato kaya sayang kung iboboto mo pa rin, na naubusan ng balota sa presinto (Hindi mangyayari ito, kasi ang inimprentang balota ay kasindami ng rehistradong botante. May balota para sa bawat registered voter.), naharap ang transmisyon ng resulta, mga walang basehang paghihinala o pagbibintang ng dayaan.
Ano ang maaari mong gawin?
Ano pa ang magagawa mo tungkol sa mga ito — bukod nga sa pananalangin na mabigo ang masasamang gawain na ito?
- Ireport ang mga paglabag sa batas na mamomonitor mo. May social media accounts ang mga task force ng Comelec na puwede mong i-message. Halimbawa, kung magsusumbong ka ng mga bumibili at nagbebenta ng boto, andiyan ang Facebook page ng Kontra-Bigay. Puwede mo ring ireport sa voter-hotline channel sa Rappler Communities app — may mga taga-Comelec roon na tatanggap ng mga report.
- Maging responsable sa sinusundan, ginagawa, at ipinapakalat mong impormasyon. Huwag magse-share ng mga balita umano na hindi naman napatunayan o nakumpirma. Magagamit ka lang sa mga dirty tricks na nauna na nating inilista rito. Kahit pa kunwari ay patanong ang pagse-share mo, kasinungalingan at panlilinlang pa rin ang maikakalat mo.
- Magboluntaryo sa mga election watchdog kung tumatanggap pa sila. Nariyan ang Namfrel (National Citizens’ Movement for Free Elections), ang PPCRV (Parish Pastoral Council for Responsible Voting), LENTE (Legal Network for Truthful Elections), at mga lika na organisasyon sa iyong lugar. Inaasistihan nila ang mga botante, inirerekord nila ang mga tangkang pagharang o karahasan sa mga botante, at mga paglabag sa mga batas na pang-eleksiyon.
At, oo, luluhod ka pa rin sa pribadong lugar, pagdaraupin ang mga palad habang nagsusumamo, at pipikit at bubulong ng panalangin sa gitna ng mga pinagkakaabalahan mo sa araw-araw. Pero, ngayon, taimtim mo nang gagawin ito.
Kailangan mong makibahagi sa isang gawain bago mo ito maipanalangin nang may pananalig. Bakit ka ba nanalangin, hindi ba’t para hilingin sa Diyos na gamitin ka, at itanong kung paano ka Niya magagamit?
Sana may mga nakuha kang sagot sa blog na ito na puwede mong simulang gawin pagkasabi mo ng “Amen.” – Rappler.com
SERYENG ‘LOCAL VOTE’
- [Local Vote] All elections are local — and that makes you powerful
- [Botong Lokal] Lahat ng boto ay galing sa ibaba
- [Local Vote] Defeating a dynasty is not in Leni Robredo’s hands
- [Botong Lokal] Hindi si Leni Robredo ang titibag sa dinastiya
- [Local Vote] In vote-rich Calabarzon, PrimeWater makes a killing
- [Botong Lokal] Ganansiya ng PrimeWater sa vote-rich Calabarzon
How does this make you feel?
Loading