Upgrade to High-Speed Internet for only ₱1499/month!
Enjoy up to 100 Mbps fiber broadband, perfect for browsing, streaming, and gaming.
Visit Suniway.ph to learn
Already have Rappler+?
to listen to groundbreaking journalism.
This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.
Hindi kailangan ni Robin Padilla na magtunog na handa sa kaniyang trabaho bilang senador. Kailangan lang niyang laging maging in-character ng kaniyang mga pelikula: sanggano, batang-kanto, inaapi. Kunwaring para sa nakararami.
Sa kabila ng batikos, puna, pintas sa kaniya ng mga mistulang may alam sa intricacies ng batas at politika nitong mga nagdaang araw, oo, pinakikinabangan ito ni Senador Robin Padilla. Kaya nga ang tanong sa akin ng isang, walang biro, nakasakay ko sa LRT noong isang araw, kung sino raw ang nakalamang sa prosecution o defense sa impeachment court. Ang sagot ko, nakalamang si Robin Padilla. Hindi nakapagtatakang pinagtawanan ako sa sagot kong ito. But here’s why.
Wala sa talino o wisdom ng batas, wala sa lohika o substance, nasa plain-folk appeal at populist rhetorics and theatrics ang puhunan ni Robin bunsod ng kaniyang mga naging papel sa pelikula na, well, hawig din naman sa kaniyang totoong buhay: sanggano, batang kanto, kriminal, o, sa lagay ng pagpapatakas kay Senador Bato, kasabwat.
First and foremost, artista si Robin. Ito ang buhay niya hanggang ngayon. Alam ang kaniyang anggulo sa harap ng camera, alam kung paano siya tatangkilikin ng madla mula takilya hanggang mangunang senador. Alam kung paano bumitaw ng appealing sa madlang hitsura at diyalogong pampelikula.
Sa ganitong pagkatao siya nakilala at ibinoto. Iyong akalang nagmula sa karaniwan. Masa. Dahil iyon ang projection ng kaniyang character sa maraming tumabong pelikula. Ngayon, hindi na niya kailangang magkaroon pa ng pelikula dahil sa paglaganap ng platform, at ang kasalukuyang pagdinig ng Senado bilang impeachment court, marami-raming reels, quote card, at sound bite ang maya’t maya nating mapapakinggan, makikita, o mapapanood sa ayaw man o sa gusto.
Maaari naman talaga nating hindi panoorin, i-unfollow, o tuluyang i-block ang mga nagpapalaganap sa kaniyang kara at satsat sa social media. Pero hindi maiiwasang lamanin siya ng balita tuwina, may saysay man ang hirit o wala.
Nasa aksesibilidad ng wika ang estilo ng kaniyang satsat na nakasanayan niya dahil sa kaniyang nabuong persona sa pelikula. Nadala niya nang natural ang ganoong characterization na kinagiliwan ng marami — iyong tuso, street smart idiolect. Iyong story trope na inaapi ng mayaman at elitista, pero sa huli, matapos ang bakbakan, siya ang magtatagumpay kasama ang kaniyang leading lady.
Ginagatasan ni Robin ang sitwasyon
Kaya hindi niya kailangang maging sensible and just, kailangan lang niyang may masabi para tangkilikin ang kaniyang susunod na pelikula noon na, chances are, hindi mo pinagsayangan ng perang panoorin noon. Lalo na noong gumanap siya sa biopic ni Bato dela Rosa. Kaya nga hindi para sa iyo si Robin. Hindi rin naman para sa akin, pero kailangan kong isulat itong tungkol sa kaniyang pagsatsat.
Hindi para sa mga taong pumupuna ang satsat ni Robin. Hindi para sa ating gigil na gigil i-point out ang kamalian at paghahanap ng lohika sa kaniyang pagtatangkang magpaliwanag o magpatawa. Para sa milyon-milyong botanteng naghihintay ng kaniyang sasabihing hirit na para bang nag-aabang lang ng kulminasyon ng pelikulang panalo na naman ang inaapi.
At kung sakaling punahin, birahin, pagtawanan si Robin, ito mismong ridicule ang puhunan para palawakin niya ang pagitan ng mga sinasabing matalino sa hindi, ng mayaman sa mahirap, ng elitista sa masang tumatangkilik sa mga uri ng politikong gaya ni Robin.
Ginagatasan ni Robin ang sitwasyon. Inaangkin ang bawat minutong hahayaan siyang magsalita. Huwag na nating himayin kung may saysay dahil, chances are, minimal at best. O kahit pa wala. Ang mahalaga, mapi-pick up ng balita. Magiging reel, meme, sound bite, quote card. Lahat magba-viral dahil sa ating pag-share kasama ang caption ng ating matatalim at mistulang matatalinong puna.
Ito mismo ang gusto niya. Ito mismo ang dahilan ng kaniyang retorika. Hindi ito directed sa atin. Pakialam ba niya sa ating ilang eleksiyon nang napatunayang hindi makapagpapanalo ng pangulo?
By virtue of majority vote — dahil isang boto lang naman din ang bilang ng uninformed voter at sinasabing matalinong botante — hindi nakapagtatakang pagdating ng 2028, kung hindi tayo magbabago ng pakikitungo sa mas nakararaming botante, baka si Robin na ang ating presidente. O sige, bise presidente muna. Napasobra ako ng basa.
Pagnilayan nating mabuti ang nangyayaring aksiyon sa Senado (kumpleto na iyan: may putukan, iyakan — Kumusta ka na nga pala, Senador Pia? — may astang suntukan dahil sa na-hurt na feelings ni Robin). Maghinay-hinay tayo. Marami nang pangulo ang gumamit sa retorikang ginagamit ni Robin kaya tayo nakasadlak sa sitwasyong ito.
Hindi kailangang magtunog matalino o full of wisdom si Robin (ipinagmalaki pa nga niyang nag-research siya using Google para paghandaan ang pagiging senator-judge) sa bawat ibubulalas. He is sticking to his winnning formula na formula ng maraming gumutay sa bansa natin. Hindi kailangan ni Robin magtunog na handa sa kaniyang trabaho bilang senador. Kailangan lang niyang laging maging in-character ng kaniyang mga pelikula: sanggano, batang-kanto, inaapi. Kunwaring para sa nakararami.
Kaya kailangan niyang sumatsat. Dahil dito siya tinatanggap. – Rappler.com
Professor ng seminar in new media, writing for new media, at creative nonfiction sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Kasalukuyan siyang chairperson ng UST Department of Creative Writing.
How does this make you feel?
Loading

2 months ago
52


