
Upgrade to High-Speed Internet for only ₱1499/month!
Enjoy up to 100 Mbps fiber broadband, perfect for browsing, streaming, and gaming.
Visit Suniway.ph to learn
This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.
Walang dapat isuko. Walang dapat panghinaan ng loob.... Tumayo ka riyan at simulang awitan ang sambayanan para iboto ang manok mo.
Baka lang kasi nakakalimutan na nating panahon pa rin ng kampanyahan. Baka lang kasi nadadala tayo ng sigabo ng damdamin habang tumututok sa nangyayari sa bansa, nangyayari sa The Hague, at nangyayari sa imahinasyon at guniguni ng mga supporter na mahilig maglabas ng fake news at tahasang disinformation. (BASAHIN: [DECODED] YouTubers posting lies, propaganda on Duterte-ICC issue can earn up to P20,000 daily)
Kampanyahan pa. Mas nadagdagan pa nga dahil aarangkada na ang para sa local positions. Piyestang-piyesta na ang atmosphere.
Baka lang nakakaligtaas ninyo na may bagong survey. At sa bagong survey, luma pa rin ang mga kandidatong pumasok sa winners’ circle o magic (o tragic, depende sa pananaw mo) 12.
Madaling ikategorya ang mga nangunguna sa survey. May pangalan dahil produkto ng showbiz at politikal na angkan, may mga reeleksiyonistang ayudante ng nagdaang rehimen, may mga pinatanda na sa politika. May mga inihilera na sa pagkuha ng mugshots. Lahat sila ay kumpleto sa makinarya: pera, kapangyarihan, apelyido, troll farm, jacket sa game show, teleserye. Kung ngayon ang eleksiyon, walang maaasahang bago. Kaya naman, ngayong mahigit isang buwan pa ang nalalabi, nais kong ipaalala, kampanyahan pa, ha?
Hindi pa dapat magpakampante. Walang dapat isuko. Walang dapat panghinaan ng loob. Maaaring hindi umaayon ang odds batay sa survey, pero maaari pang hatakin pataas ang mga kandidato na marahil ay kulang sa pondo, makinarya, kapangyarihan, at pamigay na jacket sa sambayanan.
Kaya naman, mangampanya ka pa, ha?
Sa nangyaring purging mo sa iyong socmed friends mula pa noong isang araw buhat nang makalaboso si dating presidente Digong, malamang na kakaunti na ang makakampanyahan mo. Nasa comfort ka na ng iyong echo chamber. Wala ka na halos mababasang taliwas sa iyong pinaniniwalaang politika. Na-unfriend mo na o na-unfriend ka nila kung hindi pa kayo magkakaaway. Wala ka nang mahihikayat na mula sa iyong echo chamber.
Hindi ka rin makalabas dahil mainit. Dahil nga kakaunti at kulang-kulang, malalayo ang lugar kung saan naroroon ang mga volunteer groups ng sinusuportahan mong kandidato. So, paano iyan, boto mo na lang ba ang maiaambag mo? O boto ng jowa mo kung meron? Iyan ang formula para matalo. You see, sa yugtong ito ng kampanya, hindi ka dapat naghahanap ng botante. Dapat naghahanap ka ng kapwa mo mangangampanya. Mahirap nang mangumbinsing iboto ang kandidato mo, mas mahirap maghanap ng mangangampanyang gaya mo. Lalo na kung hindi ka masigasig.
Oo, gusto mong manalo ang pinaniniwalaan mong kandidato. At, oo, na-exhaust mo na lang lahat ng social media status niya para i-share nang i-share. At, oo, alam na ito ng lahat ng nasa friend list mo. Ang malungkot, hindi pa rin mananalo ang kandidato mo sukdulang magkaroon ka ng limang libong kaibigan sa social synthetic media. Ni hindi nga garantiya na mananalo ang kandidato mo kahit may milyon kang follower. Tingnan mo na lang ang pinagpalang bilyonaryong tagapagmana ng kayamanan at posisyon ng kaniyang magulang? Nakakapit sa dulo ng magic (tragic) 12 kahit tala-talaksan ang backer na influencer na ginagastusan.
See? Hindi garantiya ang popularidad at pangalan, or, as in the case of former secretary Abalos at incumbent senator Tolentino, hindi garantiya ang naglipanang pagmumukha sa kalsada para pumalo sa winning circle. Kaya nga, aba, diinan mo ang kampanya. Tumayo ka riyan at simulang awitan ang sambayanan para iboto ang manok mo.
Seseryosohin ka
Bago ka lumabas ng bahay, bumalik ka muna sa social media. Magmensahe sa account ng volunteer campaign group. Karaniwang ipinamimigay ang disenyo ng tarpaulin, poster, at leaflet ng mga abang kandidato — literal na abang kandidato. Ipinamimigay nila ang soft copy para ikaw ang magpa-print. Ipinamimigay ang disenyo ng kamiseta para ikaw ang bumili. O baka naman may nag-donate. Baka uubra kang manghingi. Pero huwag kang umasang bibigyan. May mga alam akong insidente ng nanghingi ng campaign paraphernalia na itinapon lang. Hindi tunay na supporter. Kalaban pa nga.
Kapag nakapagpa-print ka na, magtawag ng magpapamigay o magkakabit sa bahay-bahay. Kung walang volunteer, baka kailangan mong gumastos. Magbayad. Kasama ito sa sakripisyo kaya ka nga tutulong.
Kung may volunteer campaign group, ialok ang iyong tulong. Marunong kang mag-host? E di ikaw na kapag may programa. Marunong kang magluto? Fire! Marunong kang kumanta? Intermission kapag may caucus ang minumutyang abang kandidato sa lugar ninyo. Magpahiram ka ng sasakyan sa motorcade. Sumama sa house-to-house. Mag-edit ng video para sa reels, magdisenyo ng poster, sumulat ng script.
Kung hindi kilala ang kandidato mo sa inyong lugar, ipakilala. Ito ang diwa ng kampanya. Hindi kaagad maniniwalang dapat iboto kung hindi mo muna ipapakilala lalo kung hindi naman nakikita sa kalsada, telebisyon, internet, o hindi namimigay ng jacket. Kung hindi kilala ang kandidato mo at hindi ka rin kilala, all the more reason na ipakilala kayong dalawa. Mas sineseryoso ang sumeseryoso sa kanilang kandidato lalo iyong lumalabas sa comfort ng kanilang bahay at echo chamber.
Magpa-print ng flyer o leaflet. Sumulat ng script. Baguhin depende sa audience na kukumbinsihin. Naranasan mo na bang katukin ang bahay mo ng isang sekta para maligtas ang iyong kaluluwa? Ganiyan kahirap ang mangumbinsi para sa abang kandidato mong magliligtas sa sambayan. Pag-aralan ang retorika. Pagpraktisan mo ang iyong mga kamag-anak at kakilala. Sila ang unang kumbinsihin. Kung hindi ka sanay, itanong sa sarili kung worth it nga ba ang iyong abang kandidato. Na, chances are, worth it.
Sineseryoso ang mga gumagawa ng kakaibang gawain, lalo kung panahon ng halalan. Kaya nga bawat kandidato ay nagpupumilit maging kakaiba dahil sa paniniwalang mas natatandaan sila. Lamang dito ang dati nang natatandaang pangalan. Mistulang mga brand silang kapag natandaan, maaaring isingit sa iboboto, lalo na kung marami ang iboboto gaya ng sa Senado, provincial board, o konseho. Sa lente ng marketing, brand awareness ang tawag dito. Wala nito ang iyong kandidato. Kaya nga ipapakilala mo sa abot ng iyong makakaya.
Kung lalabas ka sa iyong nakagawian at mas magiging motivated ka sa pagpapakilala sa iyong abang kandidato, mas malaki ang posibilidad na makamit mo ang iyong mithiin. Sa teorya ng psychologist na si Albert Bandura, mahalaga ang bigat ng iyong pagnanais makamit ang isang bagay para ka magtagumpay. Self-efficacy theory ang tawag dito. Pero hindi na kailangan ng teorya to back your motivation to make your candidate win or place within striking distance of winning.
Mahigit isang buwan pa. Kayang-kaya pa iyan ng iyong abang kandidato basta pareho kayong desidido. – Rappler.com
Associate professor ng seminar in new media, writing for new media, at creative nonfiction sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Siya ang chairperson ng UST Department of Creative Writing. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.