
Upgrade to High-Speed Internet for only ₱1499/month!
Enjoy up to 100 Mbps fiber broadband, perfect for browsing, streaming, and gaming.
Visit Suniway.ph to learn
Nasaan daw ang pangalan ng lahat ng 30,000 na pinatay, ani VP Sara Duterte. Sabi ng abogado ng mga biktima, itaas naman daw sana niya ang antas ng usapan.
Hinahanap ni Vice President Sara Duterte ang pangalan ng lahat ng 30,000 na pinatay sa ngalan ng war on drugs ng kanyang ama, si dating pangulong Rodrigo Duterte na ngayon ay nakakulong na sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague para harapin ang kasong crimes against humanity.
Napakasimplistic naman daw ng argumentong ‘yan, sabi ni Kristina Conti, abogado ng ilan sa mga biktima ng war on drugs. Si Conti ay accredited ng ICC para maging abogado doon. Ayon sa kanya, hindi istriktong titingnan ng korte ang bilang ng mga pinatay para masabing crimes against humanity ang nangyari.
Paano nga ba masasabi ng ICC kung crimes against humanity ang ginawa ni Duterte, hindi lang sa war on drugs, kundi pati sa Davao City sa kamay ng diumano’y Davao Death Squad (DDS)?
Ano ba ang crimes against humanity?
Una, walang istriktong bilang ng mga pinatay para maging crimes against humanity ang nangyaring patayan. Ang titingnan ng ICC ay kung sistematiko ba ang naging patayan. Puwede ngang may libong namatay sa loob ng ilang buwan, pero kung random o hindi naman sila konektado sa isa’t isa ay baka hindi kilalanin na crimes against humanity ‘yun.
Ayon sa ICC prosecution, mayroon daw klarong modus sa war on drugs ni Duterte dahil planadong-planado ang mga pag-atake. Makikita raw ito dahil gumawa pa nga ng paraan ang mga perpetrator para pagtakpan ang mga patayan. Dito na papasok ang mga pagtanim diumano ng baril sa mga suspek para palabasin na nanlaban sila, kahit hindi naman.
Noong nag-apply ng warrant ang prosecution, naglabas sila ng sampol na 43 kaso ng patayan para ipakita ang modus. Pero hindi pa ito ang kalahatan ng ebidensiyang ihahain ng prosecution.
May mga hinatulan nang guilty ang ICC sa crimes against humanity para sa iilan lamang na patayan — hindi nga umaabot sa isang daan. Halimbawa, sa desisyon ng ICC sa Congolese commander na si Bosco Ntaganda, hinatulan siyang guilty sa crimes against humanity bilang “direct perpetrator” sa mismo niyang pagpatay sa isang biktima, at “indirect co-perpetrator” naman sa pagpatay ng dosenang mga tao na may kinalaman siya. Wala ritong binabanggit kung libo ba o hindi.
Ang pinakatitingnan ng ICC ay kung ang patayan ba ay bahagi ng isang polisiya ng isang estado o di kaya’y ng isang organisasyon. Inaakusahan si Duterte bilang indirect co-perpetrator ng patayang bahagi ng kanyang polisiya noong siya’y pangulo. Isa sa mga nauna nang ebidensiya ng prosecution ay ang mismong mga talumpati at pahayag ni Duterte na nag-uutos sa mga pulis at sundalo na pumatay ng drug suspect. Sabi nga ni Duterte noon, siya ang aako ng lahat ng responsibilidad.
Crimes against humanity bang matatawag ang isang kampanya ng gobyerno kontra droga? ‘Yan na ang titingnan ng ICC, kung gaano kalala o kasahol ang nangyaring patayan. Titingnan din kung meron ba talagang modus para atakihin ang populasyong sibilyan.
Ang kaibahan nito sa nangyayari sa Gaza, halimbawa, ay genocide daw ang nagaganap doon, ayon sa kasong isinampa ng South Africa laban sa Israel sa International Court of Justice (ICJ). Sa genocide, kailangang mapatunayang ang layunin ng malawakang pagpatay ay burahin ang isang grupo ng mga tao, o sa kasong ito, burahin ang mga Palestino.
Katwiran ng Israel ay dinidipensahan lang nila ang sarili nila sa ginawa ng Hamas. Nasa 50,000 na raw ang pinapatay sa Gaza, ayon sa kanilang gobyerno. Kung walang maipakitang klarong layunin para burahin ang isang grupo ng tao, hindi ito genocide.
Paliwanag ng bihasang international criminal lawyer na si Philippe Sands sa isang forum noong 2022: “Every genocide is also going to be a crimes against humanity, but not every crimes against humanity is going to be a genocide (Lahat ng genocide ay isang crimes against humanity, pero hindi lahat ng crimes against humanity ay isang genocide).” Tumulong si Sands sa Pilipinas noon para maipanalo ang arbitration case ng bansa laban sa China.
Modus ni Duterte?
Kung walang listahan ng lahat ng pangalan ng 30,000 na pinatay, ang Philippine National Police ba ay may listahan ng pangalan ng lahat ng 7,884 na drug suspect na pinatay nila dahil daw nanlaban ang mga ito sa kainitan ng mga operasyon laban sa kanila?
Noong 2017, ipinagmalaki ng Malacañang na 3,967 na ang drug suspek na napapatay ng pulis sa mga operasyon nila kontra droga. Bukod doon, meron din daw 16,355 na pinatay at iniimbestigahan pa.
Nabahala ang Korte Suprema sa dami ng patayan. Kaya ang sabi nito noong 2018 sa isang resolusyon, kung ipinagmamalaki ng gobyerno ang mga patayang ito sa isang “accomplishment report,” eh baka nga matawag itong “state-sponsored” na patayan. Kaya ipinag-report ng Korte ang gobyerno, at pinagsumite ng mga dokumento para siyasatin pang mabuti. Hanggang ngayon ay wala pa ring desisyon ang Korte Suprema sa kasong ito kahit magwa-walong taon na ito sa kanila.
Sabi ng ICC prosecution, ang pagkakaroon ng mga drug list, ang pare-parehong paraan ng pagpatay, at ang pagpatay para lang diumano maka-quota at makakuha ng pabuya, ay ebidensiya ng isang modus, o kung tawagin sa ICC ay “common plan.”
Si Duterte ba ang most guilty?
Pero bakit naman si Duterte ang papanagutin kung hindi naman siya ang mismong pumatay? Paano kung talagang may masasamang pulis lang? Isa rin ‘yan sa titingnan ng ICC.
“There’s no hierarchy on mode of liability, so people might intuitively say of course the perpetrator, the gunman is the most guilty. There’s a healthy debate within the court over this issue, but if you look at the text, the text does not create a hierarchy among these modes of liability, and it leaves to the trial chamber the discretion to weigh what we call the degree of culpability,” sabi ng abogadong si Raul Pangalangan, na dating judge ng ICC, sa isang forum ng University of the Philippines College of Law noong 2021.
Sa madaling sabi, wala raw nakasaad mismo sa batas ng ICC o sa Rome Statute kung sino ba ang pinakamananagot kung meron ngang nangyaring krimen. Nasa korte na raw ang desisyon para timbangin ang mga ebidensya at sabihin kung sino sa mga may kinalaman ang guilty.
Isang importanteng elemento sa ICC ay ang “nexus” o ang koneksiyon ng krimeng ibinibintang kay Duterte, ang 43 na sampol na kaso at iba pa kung sakali, sa sinasabing “common plan.”
Sabi ni Vice President Sara Duterte, nakikiusap daw ang kanyang ama sa mga taga-suporta nila na huwag nang makialam sa kaso at ipaubaya na lang ito sa kanyang napiling abogado.
Sabi ni Conti, umasa pa naman daw siyang mas magiging sopistikado ang argumento ng mga Duterte dahil kumuha sila ng mga mamahaling abogado. Sana raw, sabi ni Conti, ay itaas naman ni Vice President Sara Duterte ang antas ng diskusyon.
– Rappler.com