[OPINYON] Ganang Rizal: May matututuhan pa rin táyo kay J. Riz

19 hours ago 4
Suniway Group of Companies Inc.

Upgrade to High-Speed Internet for only ₱1499/month!

Enjoy up to 100 Mbps fiber broadband, perfect for browsing, streaming, and gaming.

Visit Suniway.ph to learn

Already have Rappler+?
to listen to groundbreaking journalism.

 May matututuhan pa rin táyo kay J. Riz

Ano ang magagawa mo bago ang edad na 35, edad na namatay si Rizal? Napakasimple: Mabuhay ka. Mabuhay ka sana para sa bayan mo.

Natanim sa isip ko ang binitawan ni Ambeth Ocampo sa isang kumperensiya para kay Jose Rizal noong Hunyo. Tungkol ito sa pananaw at pagtanggap ni Rizal sa kamatayan. Handa na raw siyang mamatay ilang taon bago pa barilin noong 1896. Pahabol pala munang maligayang ika-165 sa ating dakilang bayani aka J. Riz (noong Hunyo 19).  

Heto táyo at patuloy na pinababangon si Rizal para lutasin ang problema ng Filipinas. Lagi nating sinasambit ang “kung buháy pa si Rizal… [insert pananaw here].” (Kaugnay din ito ng naunang artikulo ko tungkol sa Jacinto Lens.) Napakarami nating gustong ikabit at iugnay sa kadakilaan ni Rizal. Pero isa pa lang aral — bakâ ang pinakamahalaga — ay may kinalaman sa pananaw niya sa kamatayan na puwede nating pag-isipan pa. 

Dalawa ang nakita kong paniniwala na kaugnay ng pagkahumaling na ito sa kamatayan: ang Thanatos o death drive at memento mori. 

Pamilyar ka na marahil kay Thanos, ang pangunahing kontrabida sa MCU na may malalim na paghanga kay Kamatayan. Sa mga Griego, si Thanatos ang personipikasyon ng kamatayan. Gagamitin naman ito ni Freud para sa kaniyang death drive o ang libog para magtungo sa estado ng kawalang-pagkilos o sa kamatayan na mismo. 

Parang hindi natin mailulugar si Rizal doon. Dahil wala rin naman siyang ginawang paghahamak o pananakit sa sarili. Hindi siya destructive o toxic. Di rin naman siya nalulon sa mga bisyo (magmahal lang siguro). Di rin inabuso ang katawan. Di nag-drive si Rizal sa highway ni Death.

Bakâ mas sa sinasabi pa nga ni Freud na Eros o life drive. Mas mararamdaman natin ang gana ni Rizal para sa búhay sa kaniyang mga ginawa. Sa pagkatha niya ng Filipinas. Sa pagtatanggol niya ng dangal ng kaniyang bayan gámit ang haraya at pananaliksik laban sa mga prehuwisyo at diskriminasyon mula sa mga banyaga.

Paano naman ang memento mori? 

Sikát na sikát ngayon ang mga stoic philosophy books saan ka man mapadpad. Nakakatuwa ang ganitong paglapit natin sa matandang pilosopiyang ito sa kasalukuyang panahon. Tagahanga rin kasi ako ng mga Stoic, lalo na ang mga isinulat nina Seneca at Marcus Aurelius. Subukan mo rin sana.

Ang memento mori ay anumang bagay na nagpapaalala ng kamatayan. Madalas mga bungo, kalansay, orasan, bulaklak, at tinig ng iyong ex (biro lang). Kaugnay nito, noong panahon ng mga Romano, kapag nagwawagi ang isang heneral sa labanan, may magpapaalala sa kaniyang likod at bubulong: tandaan, mortal ka lang din. 

Anumang tagumpay mo sa búhay. Anumang kayamanan ang naimbak. Anumang titulo o gantimpala ang natamo. Hindi nito mababago ang katotohanang mamatay rin táyong lahat. Walang makatatakas kay Kamatayan.

At marahil, iyon din ang naging udyok kay Rizal. Alam at tinanggap niya ang di-maiiwasang pagdating ng kamatayan. Kahit pa napaaga ito. Bakâ naging handa na siya dahil napakarami na rin niyang nagawa para sa bayan.

Naghanap tuloy ako ng isang patunay hinggil sa pagtanggap na ito ni Rizal. Sabi niya sa isang liham kay Plaridel (Marcelo H. del Pilar) noong 1890: Hindi man ako naniniwala sa mga bagay na ito (mga panaginip niya sa kamatayan), kahit malakas ang aking pangangatawan at walang anumang sakit, kahit pa ganito, naghahanda ako para sa kamatayan, at isinaayos ko na ang mga iiwan ko, at haharapin ko ang anumang mangyayari. 

Di natin ganap na mahúli ito gamit ang death drive ni Freud. May kaunti táyong nalambat sa tulong ng memento mori. Maaari naman táyong gumawa mismo ng halimbawa mula kay Rizal. Hindi memento morizal, ha? Tawagin natin itong Ganang Rizal. Gana ito para gawin ang mga bagay para mas makilala pa natin ang bayan. Gana ito para lumikha, mag-organisa, magmahal, manggamot, magpakilos, at anumang nag-uudyok sa iba na magdulot ng pagbabago. Sigla ito para mabuhay para sa bayan. At mamatay kung maaari.

Pero sa ngayon, subukan mo ngang sukatin ang búhay mo sa mga nagawa bago ang edad na 35, edad na namatay si Rizal. Napakarami mo pang magagawa kahit di ka pa umaabot dito o kahit di na kasama sa depinisyon ng youth (35) ng UNESCO. Napakasimple: Mabuhay ka. Mabuhay ka sana para sa bayan mo.  

At kung kailangan pa natin ng mantra para sa Ganang Rizal, narito muli ang sinabi niya sa isang liham kay Plaridel noong 1889: Hindi ako titigil sa paglilingkod sa bayan ko. – Rappler.com

Sumusulat si Roy Rene S. Cagalingan ng mga tula at sanaysay. Kasapi siya ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) at Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Isa siyang manggagawang pangkultura.

How does this make you feel?

Loading

Read Entire Article