Mga madalas itanong tungkol sa impeachment trial ni VP Sara Duterte

1 day ago 5
Suniway Group of Companies Inc.

Upgrade to High-Speed Internet for only ₱1499/month!

Enjoy up to 100 Mbps fiber broadband, perfect for browsing, streaming, and gaming.

Visit Suniway.ph to learn

Natapos ang ika-19 na Kongreso nang hindi nagpatuloy sa isang buong impeachment trial para kay Bise Presidente Sara Duterte.

Tapos na ba ang impeachment proceedings? Sinasagot ng Rappler ang mga madalas itanong.

Bakit ibinalik ng Senado ang impeachment complaint sa Kamara?

Inaprubahan ng mga senador ang mosyon ni Senator Bato dela Rosa na ibalik ang mga articles of impeachment sa Kamara noong Hunyo 10. Iginiit ni Dela Rosa na lumalabag sa Saligang Batas ng 1987 ang impeachment proceedings laban kay Duterte sa Kamara.

Sa simula, ginustong ibasura ng mga kaalyado ni Duterte sa Senado ang kaso, ngunit marami sa mga kasamahan nila ang nag-atubiling itapon ang mga ito nang hindi man lang dumadaan sa kabuuan ng mismong trial upang marinig ang mga argumento ng prosekusyon at depensa. Ang kompromiso, na inayos ni Senator Alan Peter Cayetano, ay ang pagbabalik ng mga artikulo ng impeachment upang makapag-certify ang Kamara na ang kaso ay hindi lumalabag sa Saligang Batas.

Sina Senator Risa Hontiveros at Win Gatchalian, pati na rin ang kanilang mga graduating colleagues na sina Koko Pimentel, Nancy Binay, at Grace Poe, ang tanging mga mambabatas na bumotong tutulan ang mosyon ni Dela Rosa.

Bakit iginigiit ng kampo ni Duterte na lumalabag sa Saligang Batas ang impeachment ng Bise Presidente?

Umaayon sa petisyon ni Duterte ang pahayag ni Dela Rosa na inihain sa Korte Suprema noong Pebrero. Ipinaglaban ng Pangalawang Pangulo na ang kanyang impeachment ay lumalabag sa tinatawag na one-year bar rule ng Saligang Batas na nagsasaad na isang impeachment proceeding lamang ang maaaring simulan laban sa isang impeachable official sa loob ng isang taon.

Iginiit ni Duterte na sinadyang ipagpaliban ng Kamara ang unang tatlong diumano’y mahihinang impeachment petitions na inihain noong Disyembre upang bigyang-daan ang ikaapat at mas malakas na impeachment complaint na nakakuha ng suporta ng two-thirds ng Kamara noong Pebrero. Naniniwala siyang ang pagpapaliban ng referral ng mga petisyon ay isa nang paunang aksyon sa mga reklamo, na kung tutuusi’y pagsisimula na sa proseso ng impeachment.

Ipinaglaban ng Office of the Solicitor General (OSG), na kumakatawan sa Kamara, na may constitutional authority ang Kamara na magtakda ng sarili nitong mga alituntunin sa impeachment.

Sinabi nito na ang Kamara ay maaaring magtakda ng isang hakbang bago magkabisa ang constitutional mandate nitong i-refer ang mga petisyon sa Speaker. Ito’y upang matiyak na ang mga mambabatas ay hindi kahina-hinalang mag-eendorso ng mahihinang impeachment complaint, na alam nilang madaling ibasura, upang maprotektahan lamang ang isang impeachable official.

Ayon sa OSG, ang unang tatlong impeachment complaints laban kay Duterte ay hindi nai-refer sa justice committee, kaya hindi iyon nag-trigger ng “initiation” ng impeachment proceedings.

Labag ba sa Saligang Batas ang hakbang na ibalik ang impeachment complaint?

Sa pagboto laban sa mosyon na ibalik ito sa House of Representatives, sinabi ni Senator Hontiveros na ang pagbabalik ng impeachment complaint sa Kamara ay hindi nakasaad sa Saligang Batas at nagtatakda ng mapanganib na precedent. Naniniwala si Gatchalian na dapat talakayin sa trial ang merito ng argumento sa hindi pagkakaayon ng mga artikulo ng impeachment sa Saligang Batas.

Naniniwala rin ang ilan sa mga constitutional lawyer na nakausap ng Rappler na walang legal na batayan ang pagbabalik ng kaso.

Iginiit ni Amando Virgil Ligutan, abogado para sa ikatlong grupo ng mga nagreklamo sa impeachment, na ang pagpapadala ng Kamara ng mga artikulo ng impeachment ay sapat nang certification na hinihingi ng Senado.

Sinabi ni University of the Philippines law professor Paolo Tamase na ang hakbang ng Senado ay “lumalabag sa constitutional structure” dahil “ang Kamara at Senado ay pantay-pantay sa Saligang Batas.”

Ngunit, hindi ito nakikita ni Senate President Chiz Escudero, na naniniwala na ang Senado at Kamara ay hindi pantay-pantay sa mga usaping impeachment, dahil ang Senado ang nagsisilbing hukuman, habang ang Kamara ay kumikilos bilang prosekusyon.

Ang prosekusyon ng Kamara ay hindi sabay-sabay na magsasabing ang ginawa ng Senado ay labag sa Saligang Batas, ngunit ito ang saloobin ng isang miyembro, si Manila 3rd District Representative Joel Chua.

Ano ang gagawin ng Kamara?

Humihingi ng paglilinaw ang Kamara mula sa Senado. Bago ito nag-adjourn sine die noong Hunyo 11, ipinasa nito ang isang mosyon na nagsasabing hindi nito tatanggapin ang mga ibinalik na artikulo ng impeachment hangga’t di matugunan ng impeachment court ang mga katanungan nila.

Ngunit, natugunan na ng Kamara ang isa sa dalawang kondisyon na itinakda ng Senado sa mosyon nito: nag-certify na itong constitutional ang mga artikulo ng impeachment.

Ang hindi kayang tuparin ng Kamara sa ngayon ay ang pangalawang requirement ng Senado, na ipahayag ng Kamara ng 20th Congress na nais pa nitong ipagpatuloy ang impeachment trial.

“Wala pang ika-20 na Kongreso,” sabi ni Batangas 2nd District Representative Jinky Luistro.

Maaari bang tanggihan ng Kamara ang pagbabalik ng Senado ng mga artikulo ng impeachment? Sinabi ni Minority Leader Marcelino Libanan na susunod ang Kamara kung hindi nito ikokompromiso ang estratehiya ng prosekusyon. Idinagdag niya na mas nais ng mababang kapulungan na makipagtulungan sa Senado kaysa makipag-away dito.

Maaari pa bang mangyari ang full trial sa ika-19 na Kongreso?

Halos imposibleng magsimula ang isang full trial sa ika-19 na Kongreso, dahil hindi ito makatutugon sa pangalawang kondisyon na itinakda ng Senado sa mosyon nito.

Samakatuwid, ang hakbang ng Senado ay nagtitiyak ng karagdagang pagkaantala ng trial.

Patay na ba ang impeachment trial?

Nababahala si Senator Hontiveros na katumbas ng “functional dismissal” ng proceedings ang pagbabalik ng kaso sa Kamara.

Iginiit ni Escudero na hindi ito totoo, dahil binigyan nila si Duterte ng writ of summons, na siyang nagpapasabi sa kanyang sinampahan siya ng kaso at siya ring nag-uutos na tugunan niya ang mga alegasyon. Tinanggap ng prosekusyon ng Kamara ang hakbanging ito, dahil patunay raw itong buhay pa ang trial.

Isa pang kumplikadong usapan kung tutuloy sa trial ang ika-20 Kongreso. Nasa susunod na batch ng mga senador ang desisyon. Matapos bumoto upang ibalik ang mga artikulo ng impeachment sa Kamara, sinabi ng mga senador na kaalyado ni Duterte na ang kaso ay hindi dapat ipasa sa ika-20 Kongreso.

Mayroon ding ilang buwang debate kung ang impeachment ay maaaring lumipat mula sa isang Kongreso patungo sa isa pa, at walang pagkakasunduan sa usaping ito. Gayunpaman, naniniwala si Representative Luistro na ang pangalawang kondisyon na ipinasa ng Senado ay “implied admission” na ang mga artikulo ng impeachment ay maaaring talakayin ng ika-20 Kongreso. – Rappler.com

Gusto mo ba ang nabasang ito? Suportahan ang mga kwentong tulad nito. Suportahan ang independiyenteng pamamahayag sa Rappler+. May mga komento, tanong, o pananaw tungkol sa kuwentong ito? I-download ang Rappler Communities app para sa iOS, Android, o web, i-tap ang Community tab, at sumali sa alinman sa aming mga chat rooms. Kita-kits!

Read Entire Article