
Upgrade to High-Speed Internet for only ₱1499/month!
Enjoy up to 100 Mbps fiber broadband, perfect for browsing, streaming, and gaming.
Visit Suniway.ph to learn
2025 (Basahin ang bersiyon sa Ingles.)
Manaka-naka nitong mga nakaraang taon, may mga report ang Rappler tungkol sa malalang serbisyo ng PrimeWater sa mga lugar kung saan nakuha na nito mula sa local water districts (LWD) ang pamamahala sa suplay ng tubig.
Pero noon pa lang, pahaba na nang pahaba ang listahan: mula Angeles at San Fernando sa Pampanga at Bulacan sa norte; tawid sa Leyte at Bacolod City sa Visayas; at hanggang Malaybalay, Bukidnon sa Mindanao.
Reklamo ng mga residente sa service areas ng kompanya, mga pagkakataong ilang araw silang walang tubig, pero para silang hinoholdap dahil walang palya ang paniningil sa kanila. Sa mga taunang pagsusuri sa mga pamahalaang lokal, kinukuwestiyon ng mga awditor ng gobyerno kung bakit dehado ang local water districts sa kontrata, o pinapayuhan nila ang LWDs na habulin ang karampatang hati nila sa kita.
Kaya ngayong 2025, nagpasiya ang Rappler na iugnay sa eleksiyon ang serbisyo ng PrimeWater. Hindi kami nahirapan sa editorial agenda na ito — parang naghihintay lang ng signal partner organizations at Move volunteers namin para ibuhos ang mga hinaing ng kani-kanilang komunidad.
Sa mga isinagawa naming pisikal na pagpupulong at sa #LiveableCities chats sa Rappler Communities app (iOS, Android, Web), bumaha ng reklamo tungkol sa tuyong gripo ng PrimeWater.
Sumusulong na ang isyu:
- Sa Cavite, ipinapangako ng nangungunang kandidato pagkagobernador na si Abeng Remulla, na tutulungan ang mga lokal na pamahalaan na mapaharap sa kanila ang PrimeWater. (Nabalitaan namin na sa ibang lalawigan, hindi pinapansin ng kompanya ang panawagan para makipag-usap.)
- Ipinaliwanag ko sa kapihan ng Rappler sa Cavite na hindi nakakapakialam ang mga gobernador bago maisara ang ganitong usapan dahil ng mga alkalde ang nagtatalaga ng mga direktor ng local water district. Ang LWDs naman, mga government corporation na pinamamahalaan ng pambansang ahensiya na Local Water Utilities Administration (LWUA), ang pumapasok sa joint venture agreements (JVA) sa mga pribadong negosyo.
- Sa Bulacan, pinasimulan na ni reelectionist Vice Governor Alex Castro ang pagrebiyu ng provincial board ng JVAs. Nanawagan na rin siya sa Senado na imbestigahan ang kompanya.
- Sa San Jose del Monte sa Bulacan, nangangampanya na ang isang koalisyon ng people’s organizations na maibasura ang kontrata ng siyudad sa kompanya ng tubig, at maipatalo sa halalan si senatorial bet Camille Villar. Ang PrimeWater ay pag-aari ng bilyonaryong pamilya niya.
- Sa Kamara ng mga Representante, sinabi na ni Zambales 1st District congressman Jay Khonghun, isa sa mga assistant majority floor leader, na hihingi siya ng imbestigahan dahil nagdurusa rin ang kanyang mga nasasakupan.
- Nitong Miyerkoles, Abril 30, inanunsiyo ng Malacañang na mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang magpapaimbestiga sa serbisyo ng utility firm, kahit na nasa senatorial slate pa rin ng administrasyon niya si Camille Villar.
Sundan ang nasimulang pagtutuos sa Calabarzon
Kung alinmang ahensiya ang aatasan ng Pangulo na mag-imbestiga, at kung alinmang kamara ng Kongreso at provincial board ang makikialam na, mapapadali na dapat ang pagsisimula ng pagsisiyasat nila.
2019 pa lang, pinag-aralan na ng Commission on Audit (COA) Region IV-A ang mahigit sa kalahati ng JVAs ng PrimeWater sa local water districts sa rehiyon. Dahil magkakapareho ang lahat ng JVAs na sinuri, sinabi ng mga awditor na maaari nang ipalagay na may katulad na panlalamang sa lahat ng JVA ng kompanya sa buong Calabarzon.
Basics: Nang isagawa ang audit, 13 sa 62 water districts sa Calabarzon ang may JVAs na sa mga pribadong kompanya. Sa 13 na ito, 10 ang sa PrimeWater, at pito pa ang inaareglo ng PW.
Maliban sa tatlo, lahat ng kontrata ay nakuha ng PrimeWater noong presidente si Rodrigo Duterte, na sinuportahan ng mga Villar sa eleksiyon noong 2016. Ang kalihim noon ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ang ahensiyang nangangasiwa sa LWUA, ay si Mark Villar (senador na ngayon), na in-appoint ni Duterte.
Ang mga sinuring JVA ay ang sa water districts ng Dasmariñas, Silang, at Trece Martires sa Cavite; San Pedro sa Laguna; Batangas City; at ang metro area sa Quezon province na sumasakop sa Pagbilao, Tayabas, at Lucena.
Ganito ang natuklasan sa imbestigasyon:
- Kahit maayos na kumikita ang local water districts, pumasok sila sa JVAs at ipinaubaya sa PrimeWater ng mga Villar ang pamamahala. Walang sapat na kapital ang PrimeWater.
- Unsolicited — hindi hiningi ng LWD, ng gobyerno — ang alok na joint venture ng PW. Naaprobahan ang mga ito nang hindi lalampas sa dalawang linggo. Sampung ulit na mas mabilis iyon kaysa sa itinakda ng gobyerno na 120 araw.
- Dahil dito, nawalan ng pagkakataon na matingnan ang iba pang alok — pero iyon ay kung nalaman ng ibang kompanya na meron palang ganoong oportunidad.
- Umutang sa bangko ang PW para ipuhunan sa JVAs — bawal na bawal ito sa tuntunin ng National Economic and Development Authority. Pagkaraan, dahil “partner” na nila ang local water districts, katuwang na ang mga ito sa pagbabayad ng utang ng PW.
- Maraming kitang nawala sa partner na local water districts nang pumasok [ang mga ito] sa JVAs kasama ng PW.
Maitatanong ’nyo, bakit naman pumayag ang local water districts na maagrabyado nang ganun na lang? Alam yata ng beteranong business journalist na si Val Villanueva ang mga sagot. Basahin sa kanyang kolum na Vantage Point.
‘Malubha at hayagang pinsala’
“The terms and conditions of the joint venture agreements were grossly and manifestly disadvantageous to the government,” sabi sa 24 pahina ng report. Binuo ito ng supervising auditor for water districts, at dinaanan ng OIC ng fraud audit services at ng assistant regional director.
Inendoso ni COA Calabarzon OIC Director Mario Lipana sa buongh komisyon ang mga rekomendasyon ng awditor: Busisiin ang lahat ng JVAs ng local water districts sa buong bansa, at alamin kung ganito rin ang panlalamang sa terms and conditions ng kontratang pinirmahan nila.
Rekomendasyon nila na anumang matuklasan sa imbestigasyon ay gamitin para sampahan ng reklamong kriminal, sibil, at administratibo ang PrimeWater, mga opisyal ng LWDs, at iba pang opisyal ng pamahalaan at pribadong indibiduwal na kasangkot.
Pero simula noon, may mga nakuha pang bagong kontrata ang PrimeWater sa Calabarzon. Sa ngayon, sabi ng PW, naghahatid ito ng “total professional water and sewage management solutions to all of its partner communities and Water Districts in 16 regions, over 124 cities and municipalities from Cagayan Province in the north to Zamboanga Special Economic Zone in the south.” (Ayon ito sa LinkedIn profile ng kompanya; hindi na nabubuksan ang official website nila.)
Paano boboto ang mga apektado ng PrimeWater?
Balik tayo sa pagiging election issue ng masamang serbisyo ng PrimeWater. May tatlong paraan para masingil ng mga botante ang water utility firm.
Isa, iboto nila ang mga lokal na kandidato na may malinaw na plano at determinasyon na rebisahin ang mga kontrata at panagutin ang PrimeWater. Kapag nahalal sila, hindi lang nila dapat simulan ang imbestigasyon sa konseho o provincial board, kailangan ay handa rin silang dalhin at ipaglaban sa national government ang isyu ng kanilang mga nasasakupan.
Dalawa, iboto ang senatorial candidates at party-list groups na may nominees na makikiimbestiga at boboto sa Kongreso para panagutin ang PrimeWater.
Tatlo, katulad ng ikinakampanya ng people’s organizations sa Bulacan, maaaring hindi nila iboto Camille Villar sa senatorial contest. Pang-apat na Villar na siyang tatakbo sa pagkasenador; kung manalo, aabutan niya sa Senado ang kuya niyang si Mark (opo, si Mark na kalihim noon ng DPWH na may superbisyon sa LWUA).
Kalkulahin natin ang boto kung sakali. Ang pinagsama-samang populasyon ng mga botante sa service areas ng PrimeWater sa Calabarzon ay 1,645,645. Kung pagbabasehan ang 77% hanggang 78% na voter turnout sa nakaraang dalawang midterm elections, maaaring umabot sa 1,283,603 ang boboto sa Mayo 12 — at baka hindi nila iboto si Camille Villar.
Huwag nating kalimutan na vote-rich din ang Bulacan, Pampanga, at Nueva Ecija — mga probinsiya kung saan parusa rin ang PrimeWater sa mga residente. Ang Calabarzon at Central Luzon at dalawang rehiyon na may pinakamaraming botante.
Kung magigising ang mga residente sa lahat ng rehiyon o lalawigan kung saan hirap o wala silang tubig, magiging isang malakas silang puwersa na makapagdidikta kung sinong kandidato ang makakapasok sa huling apat na puwesto sa Senado. Bakbakan ito dahil manipis ang lamang o halos pantay ang rating ng senatorial candidates na humahabol sa Magic 12 — isa sa kanila si Camille.
Hinihintay namin — natin — na sumagot ang PrimeWater. Hinanap sila ng mga reporter namin, pero hindi nahagilap. Ipinatawag sila umano ng mga lokal na opisyal para makipagdiyalogo, pero hindi raw sila sumisipot. Hindi na raw mabilang ng mga kustomer ang inireport nilang reklamo, pero wala pa ring tubig na lumalabas sa kanilang gripo.
Baka sumabog lahat ng iyan pagdating ng halalan. – Rappler.com
SERYENG ‘LOCAL VOTE’
- [Local Vote] All elections are local — and that makes you powerful
- [Botong Lokal] Lahat ng boto ay galing sa ibaba
- [Local Vote] Defeating a dynasty is not in Leni Robredo’s hands
- [Botong Lokal] Hindi si Leni Robredo ang titibag sa dinastiya