[Botong Lokal] Lahat ng boto ay galing sa ibaba — kaya may power ka

1 day ago 9
Suniway Group of Companies Inc.

Upgrade to High-Speed Internet for only ₱1499/month!

Enjoy up to 100 Mbps fiber broadband, perfect for browsing, streaming, and gaming.

Visit Suniway.ph to learn

(Basahin ang bersiyon sa Ingles.)

Tuwing panahon ng eleksiyon, may maling impresyon na naidudulot sa botante ang hindi pantay na coverage ng media sa national at local campaigns. Akala natin, ang mga posisyong nasyonal ay “mas malaki” at mas mahalaga kaysa sa mga mas maliit ang nasasakupan. 

Ibasura na natin ang ganyang kaisipan. 

Siguro nga, kapag nanalo na ang mga senador (at kahit nga party-list representatives), mukhang mas malawak ang kapangyarihan nila kaysa ibang halal na opisyal. Nag-iimbestiga sila, nagpapatawag ng mga opisyal at pribadong mamamayan, bumubusisi ng mga kontrata, naglalaan ng badyet para sa kung saan at kung ano, at nag-aaproba ng ilang presidential appointees. 

Pero bago sila maluklok sa maimpluwensiyang puwesto na ’yan, dumadaan muna sila sa kampanya. At sa panahong ito, halos magmakaawa sila sa mga botante at lokal na lider. Kaya nga ang tawag sa ginagawa nila ay “panliligaw sa boto” — kailangan nilang ipangakong pipitasin ang buwan at bituin para lang mapa-oo ang mga botante. Dapat lang. 

Sa tingin ko nga, mas bagay ang salitang gumapang o sumukot — ‘yung yuyuko sila talaga sa pagbibigay-pansin sa mga hinaing ng botante. 

At bakit hindi? 

Lahat ng paghalal ay nangyayari sa lokal. Para makuha ang pambansang posisyon, hinahakot ang boto mula sa mga probinsiya, siyudad, bayan. Maaaring ang senatorial candidate (at sa 2028, kasama na ang presidential at vice presidential candidates) ay manok ng isang national political party. Meron siyang ginastusang advertisement, nakaka-LSS na jingle, viral na posts sa social media, medyo umaangat sa surveys. Pero hindi naman ang mga ganitong bagay ang naghahatid ng boto sa araw ng eleksiyon.  

Sa botohan, makinarya ang bida. Simplehan natin: Kahit gusto ka ng botante, hindi garantiya ‘yun na pupunta siya sa polling precinct para iboto ka. Ang magpapapunta sa kanya roon — ang hahatak sa mga katulad niya (ito ang konsepto ng “hakot”) — ay ang network o estrukturang binuo ng maiimpluwensiya sa komunidad, mga lider-lider, mga tao ng lokal na politiko. 

Hindi naman kaya ng national political parties ang ganyan. Oo, rehistradong partido sila, pero wala naman silang tunay na organisasyon. Ang paghakot nila ng boto ay nakadepende sa mga lokal na partido at people’s organizations na kaalyado nila sa partikular na eleksiyon (nagbago-bago rin kasi ang mga alyansa every three years). 

Ang mga lokal na makinarya naman, nilalangisan nga ng mga politiko sa ibaba, pero hindi naman tatakbo kung wala ang mga botante. Kumbaga, ang mga botante ang roska at tuwerka ng makina.  

Bago ang 2025 elections, nasa isang dosena lang sa national political parties na accredited ng Commission on Elections ang itinuturing na aktibo. Samantala, ilan ang partidong politikal sa mga rehiyon, probinsiya, at siyudad? 120 — makasampung ulit ng nasyonal. Kaya, sa palagay ninyo, saan nanggagaling ang “lakas” ng mga partidong nasyonal?

Pansinin ’nyo, ang mga gustong maging sendor, todo-suyo sa mga gobernador at meyor ninyo, o dumidikit sa mga dinastiyang bumabangga sa mga ito. Ipinapaalala sa inyo na may kaugnayan sila sa inyong kongresman, na may koneksiyon sila sa inyong rehiyon, na may ugat daw sila sa lugar ninyo. 

Andiyan din ang party-list organizations, 156 ang nagpapaligsahan para sa isang boto natin ngayong 2025. Sa buong bansa rin sila kukuha ng boto, pero, hindi katulad ng mga senador, nasa 400,000 na boto lang ang kailangan nila para makakuha ng isang puwesto sa Kamara — mga 1.2 milyong boto kung itotodong makatatlong seats. 

Saan sila kumukuha ng boto? Mapa-rehiyonal o sektoral na grupo, lahat sila ay tumututok sa ilang piling probinsiya at rehiyon kung saan malakas ang mga nominado nila. (BASAHIN: Pointers from the results of the 2019 Senate, party-list races at 20 winning party-list groups in 2022 got majority of votes from bailiwick regions

All elections are local. Lahat ng paghalal ay nangyayari sa lokal. 

Ano’ng ibig sabihin nito para sa atin na mga botante? 

’Wag nating tratuhin na parang mga hari’t reyna, prinsipe’t prinsesa, ang mga national candidate (at mga alalay nila), na parang karangalan nating puntahan nila tayo at mabatuhan ng mga sulyap, kaway, at ngiti nila. Pasagutin natin sila, magkaalaman kung nag-abala ba silang alamin kung ano-ano ang alalahanin ng ating mga pamilya at komunidad. Kailangan natin ng mga trabahong may maayos na suweldo para makabili ng sapat na pagkain.

’Wag tayong magpainsulto na inaakala nilang okey na lang sa atin ang kanta, sayaw, at mga bastos na biro nila. Sabihan natin sila: Hoy, umupo ka rito, at makinig ka. Kailangan namin ng mga ospital na hindi kulang-kulang ang gamit, ng health insurance na mas malaki ang sasagutin sa mga gastos sa pagpapagamot, ng de-kalidad na edukasyon na hindi naman kami pagdarahupin. 

’Wag din nating hayaang gamitin tayo ng local politicians para ipagyabang na basta natin iboboto kung sino ang sabihin nila. Ang dapat, pasagutin nila ang “senatoriables” sa gusto nating malaman: Magkatugma ba ang plano ng national candidates na ito at ang solusyon sa araw-araw nating kalbaryo? Meron sa ating ilang linggong walang tumutulong tubig sa gripo, habang ang service provider, bumabalong ang kita. Kinasanayan na lang natin na pinapasok ng baha ang bahay natin — bahay nating maaga nating nilalayasan araw-araw dahil sa tindi ng trapik papunta sa eskuwelahan o opisina.  

Sasabihin ng mga mapagduda: Madaling sabihin, mahirap gawin. Totoo naman. Pero baka kailangang unti-unti na nating bunuin kada eleksiyon ang paunang hirap na ito. Matagal na nga nating dapat ginawa. (Sinabi ko na ito sa isang briefing tungkol sa paghahanda sana sa nakaraang eleksiyon: To win in 2022, strengthen the local vote.)

Tayo ang lokal. Tayo ang boto. Sa Mayo 12, i-flex natin ang kapangyarihang ito. Mangibabaw tayo sa maiingay na kampanya, manindigan tayo sa ating balota. – Rappler.com

Read Entire Article