
Upgrade to High-Speed Internet for only ₱1499/month!
Enjoy up to 100 Mbps fiber broadband, perfect for browsing, streaming, and gaming.
Visit Suniway.ph to learn
BATANGAS CITY, Philippines – Susubukang hamukin ni Partido Federal ng Pilipinas provincial president Clemente Berberabe ang mahabang panahong pamumuno ng dinastiyang Dimacuha sa Batangas City gamit ang tag-line na “Bagong Batangas City” na isinusulong ng kanilang partidong Team BBC.
Matatandaang na nagsilbing punong lungsod si Eduardo B. Dimacuha simula 1988-1998, 2001-2010, at 2013-2016. Ipinasa rin ang kapangyarihan sa kaniyang asawa na si Vilma Dimacuha noong 2010 hanggang 2013. Habang sumalo rin sa pwesto ang kanilang anak na si Angelito Dimacuha noong 2001 hanggang 2004.
Nagtuloy ang dinastiyang Dimacuha sa ilalim ni kasalukuyang mayor, si Beverley Rose Dimacuha. Ngayong konstitusyonal siyang hindi na maaring tumakbo matapos ang kanyang tatlong termino magmula 2016, minamata niyang makipagpalit ng pwesto sa kaniyang asawa na si Batangas 5th District Representative Marvey Marino.
Para dalhin ang pagbabago sa mga Batangueño ay nakatutok ang plataporma ni Berberabe sa pagpapalakas ng health care system ng lungsod sa pamamagitan ng pagtatayo ng pampublikong hospital na kaniyang tinawag na Batangas City General Hospital.
Pagparami ng barangay healthcare center
“Ang bagong Batangas City kasi, ‘yong tagline is talagang we will give bagong programa, ‘yong mga matitibay na programa na hindi siya short-term, long-term talaga siya, so gusto namin na pakikinabangan siya ng lahat, hindi ng iilan lamang. Kasi naniniwala kami na ang serbisyong medikal ay hindi pribilehiyo lamang kundi karapatan,” paliwanag ni Berberabe sa isang panayam.
Ayon sa kanya, simula barangay level pa lamang ay nararapat na mataas na ang kalidad ng health care system sa lungsod. Mayroong 105 na barangay ang Batangas City. Para kay Berberabe ay dapat makapagtayo ng tig-isang health center sa bawat barangay na siguradong may sapat na mga gamot at de kalidad na aparato.
Ibinida niya ang mga district hospital sa South Cotabato na ngayon ay may planong magtayo ng infirmary hospital kung saan may kapantay na antas ang kalubhaan ng estado ng mga pasyente. Ngunit itinanggi niyang mayroong kakayahan ang Batangas City upang maipatupad din ito sa kadahilanang hindi pa kasing makapangyarihan ang lungsod upang gayahin ito.
Gayunpaman, nais niyang tutukan ang pagpapalakas ng mga barangay health center na maaring maghandog ng libreng bakuna laban sa rabies at may mga stand-by na ambulansya para sa mga residente ng bawat nasasakupang barangay. Ito ay naglalayong umalalay sa kaniyang mas malaki pang plataporma na pagtatayo ng isang pampublikong hospital.
Batangas City General Hospital
Taliwas sa programang EBD health card ng kasalukuyang administrasyon ng mga Dimacuha, na para kay Berberabe ay pangmadaliang solusyon, layon naman niyang magdala ng pampublikong ospital na bukas sa lahat ng residente ng Batangas City.

Kasalukuyang mayroong anim na ospital ang lungsod. Lima rito ay pribado, habang ang nag-iisang pampublikong ospital ay hindi lamang panlalawigan kung hindi ay pang rehiyon din. Kadalasang dinarayo pa ito ng mga pasyente mula sa mga karatig na lalawigan gaya ng Cavite, Laguna, at Quezon.
“Ngayon sa Batangas City, wala tayong public hospital. Meron tayong isang public hospital na Batangas Medical Center, e ‘yon naman ay sa regional. So, maraming nagpapagamot d’yan. Congested na ‘yan,” pahayag ni Berberabe.
Ayon sa 2023 Socio-economic Physical and Political Profile report ng opisyal na website ng Batangas City, sa anim na ospital ng lungsod, ang Batangas Medical Center ang may pinakamaraming bed capacity na mayroong 25-room na payward, ito ay para sa mga pasyenteng nais magbayad para sa de kalidad na mga kwarto, habang may 581-bed charity ward naman ito, para sa mga pasyenteng kapos-palad.
Isang residente mula sa barangay Bulbok ng lungsod na si Sherwin Delizo ang nagbahagi ng kaniyang masalimuot na karanasan sa isang pampublikong ospital ng Batangas City.
“Siguro ‘yong sa mga public hospital, hindi masyadong tinututukan ang mga pasyente. Kasi ‘yong sa mama ko dati, parang hindi nila masyadong inaasikaso. Kumbaga ‘yong mga simpleng pagpapalit lang ng oxygen, ‘di agad nila asikasuhin. Kasi syempre, baka dahil wala naman kaming masyadong babayaran. Baka ganon ang nasa isip nila. ‘Yong pagpapacheck ko dati ng oxygen, mga kulang kulang na isang oras bago napalitan hanggang sa do’n na inabot ‘yong mama ko.”
Habang nagbahagi rin ng karanasan tungkol sa kanilang pagpapagamot sa nag-iisang pambublikong ospital ng lungsod ang isang tricycle driver na tumangging ibigay ang kaniyang pangalan. Isa siyang EBD cardholder na lumipat ng pribadong hospital sa Batangas Health Care Hospital (Jesus of Nazareth).
“Matagal d’yan ang ano [serbisyo], mahirap din ang proseso, hindi agad iniintindi ang pasyente. Nako po, ‘yong aking ama ay hingalong hingalo na ay talagang hindi pa rin iniintindi d’yan sa BatMc (Batangas Medical Center). Kaya inabot d’yan ang aking ama, ‘di laang namatay.”
Para kay Berberabe, hindi kasalanan ng BatMC kung tumanggi silang tumanggap ng mga pasyente o may mamatay sa emergency room dahil sa kakulangan ng mga kwarto, doktor, at mga pasilidad. Mas pinaniniwalaan niya na responsibilidad ito ng lokal na pamahalaan.
“So naniniwala ako na dapat ang solusyon d’yan ay hindi health card. Kasi kung health card lang, kahit lahat may health card, sabay-sabay silang papasok sa ospital, hindi rin sila magagamot. So, kailangan natin ‘yong matibay at konkretong solusyon sa paulit-ulit na problemang nararanasan ng ating bayan, which is magpatayo tayo ng sarili nating public hospital.”

Paliwanag pa ni Berberabe na ang pagtatayo ng isang public hospital ng isang highly urbanized city or first-class city ay hindi imposible. Dito magsisimula ang libreng gamutan galing sa pondo ng lungsod.
“Ang isang siyudad ay hindi naman nauubusan ng pondo ‘yan kasi, yearly, may approved budget ‘yan. Parang health card, base ngayon sa page ng Batangas City, P233 million ang nilalagay nila sa budget ngayon sa health, so imagine mo ‘yon, times three mo ‘yon. Hindi natin masasabi sa 2026 at 2027, syempre ‘di pa naapprove ‘yon. Pero imagine kung doon na lang tayo sa P233 million range, so times three mo ‘yon, nasa P690 million. ‘Yong P690 million na ‘yon, hindi ba kayang magpagawa ng ospital yo’n? Budget pa lang ng health card ‘yon.”
Samantalang itinanggi niyang magbigay ng iba pang detalye kung paano isasakatuparan ang planong ito sa kadahilanang para sa kalaban niyang partido ay imposible ang pagtatayo ng pampublikong ospital, na nangangahulugang wala siyang ideya kung paano isasakatuparan ito. Subalit tiniyak niya na nanggaling na siya sa South Cotobato at nakipag-uganyan kay Governor Reynaldo Tamayo tungkol sa mga hakbang upang gawing realidad ang kanyang platapormang nais gayahin mula sa tagumpay ng South Cotobato.
“Marami pong nagsasabi na ‘saan ka kukuha ng pondo para magpagawa ng hospital?’ Pero doon pa lang po sa approved budget ng munisipyo sa website nila mismo, ini-announce nila, P3.6 bilyon ang approved budget nila. So, for the last ten years, wala akong nakita na major improvement sa ating lungsod kung hindi ‘yong bypass road lang na from the national government and ‘yong flyover po na five years po nila bago naitayo. So, madidilim pa rin ang mga kalsada, lubak-lubak pa rin ang mag daanan, marami pa rin ang mahihirap,” sabi ni Berberabe.
‘Batangas City Citizen’s Card’ vs EBD health card
Nang tanungin si Berberabe kung ano ang kakailanganin ng mga Batangueño upang maging kwalipikado sa libreng pagpapagamot sa Batangas City General Hospital, kaiba sa pinakamahalagang requirement na voter’s registration ng mga programa ng administrasyong Dimacuha, sabi niya, magkakaroon ng bagong Batangas City Citizen’s Card.
Mahigpit na kailangan ang voter’s registration ng mga residente sa ilan sa mga kilalang programa ng dinastiyang Dimacuha gaya ng sa EBD health card at EBD scholarship program na hindi lamang voter’s registration ng mga magulang ang hinihingi, maging sa estudyante rin.

Ayon sa Batangas City Citizen’s Charter 2019 (1st Edition) na narebisa noong taong 2021, online ang proseso ng pagsusumite ng aplikasyon. Batay sa pamantayan ng pagtanggap, isa rito ay nararapat na ang mga magulang ng iskolar ay rehistradong botante ng lungsod na ito. Habang isa naman sa mga bumubuo ng mga dokumentong kailangan ay ang Voter’s Registration Record (VRR). Para sa mga estudyante sa high school, nangangailangan silang magsumite ng VRR ng parehong mga magulang. Sa mga mag-aaral naman sa kolehiyo, bukod sa VRR ng mga magulang ay inaasahan din silang makapagbigay ng sarili nilang VRR.
Masasabing ang dokumentong ito ay mahalaga at may malaking epekto upang matamo ang serbisyo at programa ng gobyerno na karapatan ng mga mamamayan nito. Dahil ayon sa mga anunsyo ng opisyal na Facebook Page ng EBD Scholarship, tanging ang may mga kumpleto at tamang dokumento na isinumite lamang ang kanilang tatanggapan ng aplikasyon. Kung ipagpapalagay na ang isa sa mga magulang ay hindi rehistradong botante, nangangahulugang maaring hindi maisaalang-alang ang aplikasyon.
“Actually, yon ang pinakamabigat na requirement, ‘yong VRR. Tsaka parang it’s conditional na, hindi na siya taga Batangas City. Kailangan mong maging voter bago ka magkaroon ng access sa mga programa ng gobyerno,” paglalahad ni Berberabe.
Kung sa pagkuha ng EBD health card ang pinakakailangan na requirement ay voter’s registration, para kay Berberabe, nais lang ng kanyang magiging administrasyon na mapatunayan na ang magiging pasyente ng kanyang plataporma na Batangas City General Hospital ay tunay na residente ng lungsod.
“We don’t care kung ‘di kayo registered voters, we don’t care kung taxpayers kayo, we don’t care kung mayaman kayo or mahirap. Basta ‘yon lang ang gusto naming malaman, taga Batangas City ka. Pag prinisent niyo ‘yon, you can avail the services of Batangas City. So, gusto ko po wala po talagang maiiwan.”
Gayunpaman, sinabi niya na bukas din ang kanilang magiging opisina upang tumanggap ng ibang pasyente galing sa ibang lungsod at handa rin silang makitulungan sa kanilang pinanggalingang lokal na pamahalaan.
Sa huling bahagi ng panayam ay nag-iwan ng mensahe si Berberabe ukol sa kaniyang paniniwala sa pamamahala.
“Kami po kasi, naniniwala po ako na ang mga mamamayan ay investment po siya ng punong lungsod. ‘Pag napataas niyo po ang pamumuhay ng mga mamamayan, mas less po ang dependent nila sa gobyerno. Pag napataas natin ang pamumuhay ng mga kababayan natin, mas less silang dedepende sa gobyerno, mas magiging productive po ang ating siyudad.” – Rappler.com
Si Cahvriligne Trizh C. Ronquillo ay isang Mover, o isang volunteer ng Rappler para sa civic engagement, mula sa Batangas. Isa siyang campus journalist sa Batangas State University, The National Engineering University bilang manunulat sa larangan ng Literatura at Opinyon-Editoryal sa The Trident.